“Filipino, scientist, babae”: Mula Naga hanggang NASA, ang kuwento ni Gay Jane Perez

  • Post category:News
Mula kaliwa: Hendrick Dulin, ilustrador ng Isang Puwang sa Kalawakan: Si Gay Jane Perez at ang Diwata-1; Dr. Rosario Torres-Yu, tagapayo ng Supling Sining; Dr. Gay Jane Perez, Director General ng PhilSA at guro sa IESM; Dr. Lilian Jennifer Rodriguez, pinuno ng proyekto; at Dr. Eugene Y. Evasco, may-akda ng aklat, sa ginanap na book launch noong 8 Mayo 2026 sa UP Diliman.

Sa ginanap na book launch noong 8 Mayo 2026 sa College of Science Administration Building sa UP Diliman, tinalakay ng mga manunulat, siyentista, at ilustrador ang kahalagahan ng representasyon at agham para sa kabataang Pilipino sa pamamagitan ng Isang Puwang sa Kalawakan: Si Gay Jane Perez at ang Diwata-1.

Tampok sa aklat si Dr. Gay Jane Perez, kasalukuyang Director General ng Philippine Space Agency (PhilSA) at guro sa Institute of Environmental Science and Meteorology (IESM). Isinulat ni Dr. Eugene Y. Evasco, na may mga guhit ni Hendrick Dulin, ang aklat na inilathala ng Supling Sining bilang bahagi ng Sulong Agham Book Series.

Sa talakayan, ibinahagi ni Perez na hindi niya unang pinangarap maging siyentista dahil kakaunti noon ang kaniyang role model sa larangan, ngunit naging mahalaga ang suporta ng DOST at mga mentor upang magpatuloy siya sa agham. “Isa sa mga puwang na gusto kong mapunan ay sana dumami ang kababaihan sa science,” ani Perez.

Inilarawan ni Evasco ang kuwento bilang tungkol sa isang “makabayang siyentista” na ang layunin ay hindi lamang para sa sarili kundi para sa bayan, habang binanggit ni Dulin na sinikap niyang gawing makulay ang bawat pahina bilang contrast sa madilim na kalawakan. Naghatid din ng mensahe si Dr. Giovanni A. Tapang ng National Institute of Physics, dating mentor ni Perez, na naglarawan sa kaniya bilang “probinsyana, babae, physicist” na “mula Naga, napuntang NASA.”

Binigyang-diin ni Tapang na ang aklat ay hindi lamang pagdiriwang sa buhay ni Perez kundi pagdiriwang din ng mga oportunidad para sa kabataang Pilipino. Dagdag pa niya, mahalaga ang kolektibong ambag ng “manunulat, siyentista, at ilustrador sa ating lipunan.”

Ang Isang Puwang sa Kalawakan: Si Gay Jane Perez at ang Diwata-1 ay inilathala ng Supling Sining bilang bahagi ng Sulong Agham Book Series, na nagtatampok sa buhay ng mga Pilipinong siyentista tulad nina Deo Onda at Leonardo Co.